Sunday, June 21, 2009

Pamburang Maalat

Magulong utak, kasangga ko,

Mahapding puso, kasama ko.

Malalabong mata ang gabay ko,

Kahit saan mapunta, kahit saan patungo.

Upod na lapis ang aking panulat,

Sa kuwadernong luma, pahina'y apat.

Tinikman ko ang pambura, maalat,

Sumusulat ng tulang 'di nararapat.

Sirang aircon ang nagpapalamig,

Sa kwarto, sa utak, sa puso, sa bisig.

Mga sulat na sinusunog sa gilid,

Tanda ng masakit at lumang pag-ibig.

Bulok na radyo ang aking pinakikingan,

Tinutugtog na gitara, ang kwerdas ay kulang.

Ginagamit sa pagkanta'y malat na lalamunan,

Musikang sa mundo'y walang galang.

Cellphone na hindi pinaloloadan,

Mga ka-text ako'y tinulugan.

Mabuti pa na ibenta na lang,

At bumili ng gamot na para sa mga taong sa tulog ay kulang.

Hihiga na ako sa matigas na kama,

Aakapin ang unang amoy basura.

Magtatalukbong ng kumot na sira,

Paalam kaibigan, ako'y matutulog na.

No comments:

Post a Comment